Magozwe

Sa mataong lungsod ng Nairobi, malayo sa mga tahanang mapagmahal, may mga batang walang matuluyan. Sila ang mga batang kalye. Lahat sila ay lalaki at tanggap nila kung ano man ang hatid ng araw sa kanilang buhay. Pagkagising sa umaga, nililigpit nila ang banig pagkatapos matulog sa malamig na bangketa. Sinisindihan nila ang basura para mabawasan ang ginaw. Kasama nila sa Magozwe, ang pinakabata.

1

Limang taon pa lang si Magozwe nang mamatay ang kanyang mga magulang. Tumira siya sa kanyang tiyo na walang pakialam sa kanya. Hindi niya pinapakain ng mabuti si Magozwe at binibigyan niya ito ng mahihirap na trabaho.

2

Bugbog ang inaabot ni Magozwe kung siya ay nagtatanong o nagrereklamo. Bugbog uli ang inabot niya nung banggitin niya ang tungkol sa pag-aaral, "Hindi ka matututo kasi tanga ka." Lumayas si Magozwe pagkatapos ng tatlong taong paghihirap at siya ay sumama sa mga batang kalye.

3

Mahirap ang buhay at lahat sila nagkukumahog makahanap lang ng makakain. Minsan hinuhuli sila ng pulis, minsan naman ay nabubugbog. Walang nag-aalaga sa kanila pag sila'y nagkakasakit. Umaasa lang sila sa maliit na kita sa pagpapalimos at pangangalakal. Lalo silang naghihirap pag nanghahamon ng away ang ibang grupo ng batang kalye, makuha lang ang gustong teritoryo.

4

Isang araw, nakakita si Magozwe ng gula-gulanit na libro sa basura. Nilinis niya ang libro at nilagay iyon sa kanyang sako. Araw-araw, tinitingnan lang niya ang mga larawan sa libro sapagka’t hindi siya marunong magbasa.

5

Kinuwento ng mga larawan ang buhay ng isang batang lalaki na naging piloto at pinangarap ni Magozwe maging piloto. Minsan, iniisip niya na siya ang bata sa libro.

6

Isang malamig na araw, nakatayo si Magozwe sa kalye namamalimos nang lumapit sa kanya ang isang mama. "Magandang umaga. Ako si Tomas. Malapit lang dito ang pinagtatrabahuhan ko at namimigay kami ng libreng pagkain." Tinuro niya ang dilaw na bahay na may asul na bubong. "Sana makadaan ka doon." Tiningnan lang ni Magozwe ang mama at ang bahay. "Titingnan ko," sabi niya sabay talikod.

7

Unti-unting nasanay ang mga batang kalye kay Tomas. Mahilig makipagkuwentuhan si Tomas sa kanila. Gusto niyang marinig ang istorya ng kanilang buhay. Pasensiyoso, seryoso at magalang--ganun si Tomas. Nagsimulang pumunta ang ibang bata sa dilaw at asul na bahay tuwing oras ng tanghalian.

8

Isang araw, nakaupo si Magozwe sa bangketa habang nakatingin sa kanyang libro. Tumabi si Tomas, "Ano ang kuwento ng libro?" tanong niya. "Tungkol sa isang bata na naging piloto," sagot ni Magozwe. "Anong pangalan niya?" tanong ni Tomas. "Hindi ko alam, e. Hindi ako marunong magbasa." sabi ni Magozwe.

9

Sinabi ni Magozwe ang kuwento ng kanyang buhay kay Tomas. Kinuwento niya ang tiyo at kung bakit siya naglayas. Tahimik lang na nakinig si Tomas sa lahat ng sinasabi ni Magozwe. Naging madalas ang kuwentuhan nila. Isang araw, nag-usap sila habang kumakain sa loob ng bahay na dilaw at asul.

10

Sa ika-sampung kaarawan ni Magozwe, binigyan siya ni Tomas ng bagong libro. Ito rin ay puno ng larawan at ang kuwento ay tungkol sa isang batang taga-nayon na naging tanyag na manlalaro ng soccer. Madalas pinapabasa ni Magozwe kay Tomas ang libro kaya sabi ni Tomas, "Panahon na para matuto kang magbasa. Kailangan mo na pumasok sa eskuwela. Ano sa palagay mo?" Dinagdag ni Tomas na may mga bahay na tumatanggap at nagpapa-aral sa mga batang kalye.

11

Nag-isip si Magozwe nang matagal. Paano kung tama ang sabi ni tiyo? Paano kung totoo ngang bobo siya? Paano kung mabugbog siya uli? Natakot si Magozwe. "Mas ok na siguro ako dito sa kalye," sabi niya sa sarili.

12

Nabanggit niya kay Tomas ang kanyang mga takot. Tinulungan siya ni Tomas na magtiwala uli at umasa na magiging maayos ang lahat.

13

Isang araw, lumipat na nga si Magozwe sabay ng dalawang batang lalaki sa isang bahay na berde ang bubong. Sampu lahat ang mga batang alaga ni Tita Cissy at asawa nito. Meron din silang tatlong aso, isang pusa at isang matandang kambing.

14

Nagsimulang mag-aral si Magozwe at sa una medyo nahirapan siya. Naisipan niya minsan na sumuko. Pero naaalala niya ang piloto at ang soccer player sa libro at nabubuhayan siya uli ng loob.

15

Isang araw, nakaupo si Magozwe sa harap ng bahay nagbabasa ng libro. Dumating si Tomas, "Ano ang kuwento ng libro?" "Tungkol sa isang bata na naging titser," sagot ni Magozwe. "Ano'ng pangalan ng bata?" tanong ni Tomas. "Magozwe," sagot ni Magozwe na may ngiti.

16

Magozwe

Text: Lesley Koyi
Illustrations: Wiehan de Jager
Translation: Arlene Avila
Language: Tagalog

This story is brought to you by the Global African Storybook Project, an effort to translate the stories of the African Storybook Project into all the languages of the world.

You can view the original story on the ASP website here

Global ASP logo

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution 3.0 Unported License.