Noong unang panahon, walang alam ang mga tao. Hindi sila marunong magtanim, humabi at gumawa ng kasangkapan. Lahat ng karunungan ay tinago ng diyos na si Nyame sa isang palayok sa langit.
Isang araw, naisipan ni Nyame na ibigay ang palayok ng karunungan kay Anansi. Tuwing tumitingin si Anansi sa loob ng palayok, may natututunan siyang bago! Tuwang tuwa si Anansi.
Dahil madamot si Anansi, naisip niya, "Itatago ko ang palayok sa tuktok ng mataas na puno para sa akin lang ang lahat ng kaalaman!" Tinali niya ang palayok sa kanyang tiyan at nagsimulang umakyat sa puno. Pero nahirapan siya dahil tumatama ang palayok sa kanyang tuhod.
Nakatingin lang pala sa kanya ang kanyang batang anak sa baba ng puno. "Mas maganda po siguro kung nakatali sa likod ang palayok," sabi nito. Tinali ni Anansi ang palayok sa kanyang likod at madali nga siyang nakaakyat.
Nang marating niya ang tuktok ng puno, bigla siyang natigilan. "Alam ko dapat lahat pero bakit mas matalino pa sa akin ang anak ko?" Nagalit si Anansi kaya hinagis niya ang palayok pababa.
Nabasag ang palayok at kumalat ang mga piraso sa lupa. Kumalat din ang karunungan at nabigyan ang lahat. Ganito nalaman ng tao kung paano magsaka ng bukid, humabi ng tela, gumawa ng kasangkapan at marami pang ibang bagay na alam ng tao ngayon.
This story is brought to you by the Global African Storybook Project, an effort to translate the stories of the African Storybook Project into all the languages of the world.
You can view the original story on the ASP website here