Magkaibigan si Manok at si Milipid. Pero lagi silang nakikipagpaligsahan sa isa't isa. Isang araw, napagpasyahan nilang maglaro ng putbol para makita kung sino ang pinakamagaling na manlalaro.
Nagtungo sila sa putbolan at inumpisahan ang kanilang laro. Mabilis si Manok, pero mas mabilis si Milipid. Malayo ang sipa ni Manok, pero mas malayo ang sipa ni Milipid. Nag-umpisang uminit ang ulo ni Manok.
Napagpasyahan nilang maglaro ng penalty shoot-out. Nag-goalkeeper muna si Milipid. Isang gol lang ang na-iskor ni Manok. Pagkatapos, naging taya naman si Manok para depensahan ang gol.
Sinipa ni Milipid ang bola at naka-iskor siya. Drinibol ni Milipid ang bola at naka-iskor siya. Inulunan ni Milipid ang bola at naka-iskor siya. Naka-limang gol si Milipid.
Galit na galit si Manok sa kanyang pagkatalo. Pikon siyang talunan. Tinawanan ni Milipid si Manok dahil nagiinarte ang kaibigan niya.
Sa sobrang galit ni Manok, tinuka niya si Milipid at nilunok ito.
Habang lumalakad pauwi si Manok, nakasalubong niya si Mama Milipid. Tanong ni Mama Milipid, "Nakita mo ba ang anak ko?" Hindi sumagot si Manok. Nag-alala si Mama Milipid.
Pagkatapos, may narinig na maliit na boses si Mama Milipid. "Tulong, Mama!" iyak ng boses. Tumingin si Mama Milipid sa paligid niya at nakinig ng mabuti. Nanggaling ang boses mula sa loob ng manok.
Sigaw ni Mama Milipid, "Anak, gamitin mo ang iyong espesyal na kapangyarihan!" Kayang gumawa ng mga milipid ng mabahong amoy at masamang lasa. Nag-umpisang sumama ang pakiramdam ni Manok.
Dumighay si Manok. Pagkatapos, lumunok at dumura siya. Pagkatapos ay bumahing at umubo siya. At umubo. Kadiri ang milipid!
Umubo si Manok hanggang sa naiubo niya ang milipid na nasa kanyang sikmura. Gumapang si Mama Milipid at ang kanyang anak sa isang puno para magtago.
Mula noon, naging magkaaway ang mga manok at mga milipid.
This story is brought to you by the Global African Storybook Project, an effort to translate the stories of the African Storybook Project into all the languages of the world.
You can view the original story on the ASP website here