Puno ng batad, dawa, at kamoteng-kahoy ang kahanga-hangang hardin ni Lola. Pero natatangi ang kanyang mga saging. Hindi man niya ito sabihin, alam kong ako ang paboritong apo ni Lola kahit na marami siyang apo. Madalas niya akong inaanyayahan sa kanyang buhay. Marami siyang ibinihaging maliliit na sikreto sa akin. Pero mayroon siyang isang sikretong hindi ibinahagi sa akin: kung saan siya nagpapahinog ng mga saging.
Isang araw, may nakita akong dayaming basket na inaarawan sa labas ng bahay ni Lola. Nang tinanong ko siya kung para saan iyon, ang tanging sagot na nakuha ko ay, “Iyan ang aking mahiwagang basket.” Sa tabi ng basket ay mga dahon ng saging na paminsan-minsan ay binabaliktad ni lola. Nag-usisa ako. “Para saan ang mga dahon, Lola?” tanong ko. Ang tanging sagot na nakuha ko ay, “Iyan ang aking mga mahiwagang dahon.”
Nakakawiling panoorin si Lola, ang mga saging, ang mga dahon nito, at ang malaking dayaming basket. Pero may ipinabilin sa akin si Lola para kay Nanay. “Lola, sige na ho, hayaan ninyo ho akong panoorin kayong maghanda…” “Huwag matigas ang ulo, apo, gawin mo na lang ang sinabi ko,” pilit niya. Tumakbo ako paalis.
Nang bumalik ako, nakaupo si Lola sa labas pero wala ang basket o ang mga saging. “Lola, nasaan po ang basket, ang mga saging, at nasaan po ang…” Pero ang tanging sagot niya ay, “Nandoon sa aking mahiwagang taguan.” Nalungkot ako!
Makalipas ang dalawang araw, inutusan ako ni Lola na kunin ang kanyang tungkod mula sa kanyang silid-tulugan. Bumungad sa akin ang mabangong amoy ng mga nahihinog na saging sa oras na buksan ko ang pinto. Sa looban nito ay ang malaki at mahiwagang dayaming basket ni Lola. Nakatago ito sa isang lumang kumot. Iniangat ko ito at sininghot ang mabangong amoy nito.
Ginulantang ako ng boses ni Lola nang tumawag siya, “Ano’ng ginagawa mo? Dalian mo na’t kunin ang aking tungkod.” Dali-dali kong dinala ang kanyang tungkod. “Ano’ng nginingiti mo diyan?” tanong ni Lola. Napagtanto ko sa kanyang tanong na nakangiti pa rin ako dahil sa pagkakatuklas ko sa kanyang mahiwagang taguan.
Sumunod na araw, nang dumalaw si Lola kay Nanay, nagmadali akong pumunta sa kanyang bahay para tingnan ulit ang mga saging. Mayroong isang kumpol na napakahinog. Kumuha ako ng isa at itinago ito sa aking bestida. Matapos takpan ang basket, nagtungo ako sa likod ng bahay at kinain ito. Iyon ang pinakamatamis na saging na aking natikman.
Kinabukasan, nang namimitas ng gulay si Lola sa bakuran, pumuslit ako sa kuwarto at sinilip ang mga saging. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na kumupit ng isang kumpol ng apat na saging. Habang lumalakad ako ng patiyad palabas ng pinto, narinig ko ang ubo ni Lola sa labas. Itinago ko ang mga saging habang naglalakad, hanggang sa malampasan ko siya.
Maagang gumising si Lola kinabukasan para magtinda sa palengke. Lagi niyang dala ang mga hinog na saging at kamoteng-kahoy para itinda doon. Hindi ako nagmadaling dalawin siya noong araw na iyon. Pero hindi ko na siya maaaring iwasan pa.
Kinagabihan, tinawag ako ni Nanay, Tatay, at ni Lola. Alam ko kung bakit. Sa pagtulog ko, alam kong hindi na ako magnanakaw muli, hindi kay Lola, hindi sa aking mga magulang, at siguradong hindi kaninuman.