Nagdalamhati si Simbegwire nang pumanaw ang kanyang Nanay. Ginawa ng Tatay ni Simbegwire ang lahat ng kanyang makakaya para alagaan ang kanyang anak. Unti-unti, natutunan nilang maging masaya, kahit na wala na ang Nanay ni Simbegwire. Tuwing umaga ay naupo sila at pinag-usapan ang darating na araw. Bawat gabi ay magkasama silang naghain ng hapunan. Pagkatapos nilang hugasan ang mga pinggan, tinulungan si Simbegwire ng Tatay niya sa kanyang takdang-aralin.
Isang araw, ginabi ng uwi ang Tatay ni Simbegwire. “Nasaan ka na, anak?” tawag niya. Tumakbo si Simbegwire sa kanyang Tatay. Tumigil siya nang nakita niyang hawak ng Tatay niya ang kamay ng isang babae. “Gusto kong makilala mo ang isang taong espesyal, anak. Ito si Anita,” nakangiti niyang sinabi.
“Ikinagagalak kitang makilala, Simbegwire. Lagi kang ikinukwento sa akin ng Tatay mo,” sabi ni Anita. Pero hindi niya kinamayan o nginitian ang bata. Tuwang-tuwa sa galak ang Tatay ni Simbegwire. Lagi niyang binabanggit na sama-sama silang maninirahan, at kung gaano magiging kaganda ang buhay nila. “Anak, sana tanggapin mo tanggapin mo si Anita bilang iyong ina,” sabi niya.
Nagbago ang buhay ni Simbegwire. Hindi na siya nakakaupo kasama ng kanyang Tatay tuwing umaga. Masyado nang pagod para gumawa ng takdang-aralin si Simbegwire sa gabi dahil sa dami ng gawaing-bagay na iniuutos ni Anita. Natutulog siya kaagad matapos ang hapunan. Ang makulay na kumot na bigay sa kanya ng kanyang Nanay ang tanging nagbibigay-ginhawa kay Simbegwire. Tila hindi napapansin ng kanyang Tatay na hindi masaya si Simbegwire.
Makalipas ang ilang buwan, sinabi ng Tatay ni Simbegwire na luluwas muna siya ng matagal. “Kailangan kong bumiyahe para sa aking trabaho,” sabi niya. “Pero alam kong aalagaan ninyo ang isa’t isa.” Nalumbay si Simbegwire, pero hindi ito napansin ng kanyang Tatay. Hindi kumibo si Anita. Hindi rin siya masaya.
Lumala ang kalagayan ni Simbegwire. Kapag hindi niya natapos ang kanyang gawaing-bahay, o kapag nagreklamo siya, sinaktan siya ni Anita. Halos ubusin ng babae ang hapunan, at kapiranggot na tira lang ang iniwan para kay Simbegwire. Umiyak si Simbegwire gabi-gabi, yakap-yakap ang kumot ng Nanay niya.
Isang umaga, tinanghali ng gising si Simbegwire. “Tamad!” sigaw ni Anita. Hinila niya si Simbegwire mula sa kanyang kama. Naipit sa isang pako ang kanyang pinakamamahal na kumot, at napunit ito sa dalawang piraso.
Nabalisa si Simbegwire. Napagdesisyunan niyang maglayas sa kanila. Kinuha niya ang mga kapiraso ng kumot ng kanyang Nanay, nagbaon ng kaunting pagkain, at nilisan ang kanilang bahay. Sinundan niya ang daang tinahak ng kanyang Tatay.
辛波薇亚伤心透了,她决定离家出走。她带着毯子的碎片,包了一些食物,沿着爸爸出差的路离开了家里。
Kinagabihan, umakyat siya sa isang mataas na puno malapit sa ilog at gumawa ng tulugan gamit ang mga sanga. Habang pinatutulog niya ang kanyang sarili, umawit siya: “Maama, maama, maama, iniwan mo ako. Iniwan mo ako at hindi ka na bumalik. Hindi na ako mahal ni Tatay. Nanay, kailan ka babalik? Iniwan mo ako.”
Kinaumagahan, inawit itong muli ni Simbegwire. Nang dumating ang mga kababaihan sa ilog para maglaba, narinig nila ang panaghoy galing sa mataas na puno. Akala nila na hangin lamang ito na pumapagaspas sa mga dahon, at nagpatuloy sa kanilang gawain. Pero pinakinggang mabuti ng isa sa mga babae ang awit.
Tumingin ang babae sa itaas ng puno. Nang makita niya ang bata at ang makukulay na kapiraso ng kumot, umiyak siya, “Simbegwire, anak ng aking kapatid!” Tumigil sa paghuhugas ang ibang babae at tinulungang bumaba si Simbegwire mula sa puno. Niyakap ng kanyang tiyahin si Simbegwire at pinatahan siya.
Dinala si Simbegwire ng kanyang tiyahin sa kanilang bahay. Naghain siya ng mainit na pagkain para kay Simbegwire at pinatulog kasama ng kanyang mahal na kumot. Nang gabing iyon, lumuha si Simbegwire sa kanyang pagtulog. Pero ito ay luha ng ginhawa. Alam niyang aalagaan siya ng kanyang tiyahin.
Nang bumalik ang Tatay ni Simbegwire, nakita niyang walang laman ang silid nito. “Anong nangyari, Anita?” malungkot niyang tanong. Ipinaliwanag ng babae na lumayas si Simbegwire. “Gusto ko lang naman na galangin niya ako,” sabi niya. “Pero marahil ay naging masyado akong mahigpit.” Umalis ang tatay ni Simbegwire at tinahak ang direksiyon ng ilog. Nagpatuloy siya sa nayon ng kanyang kapatid para alamin kung nakita ba niya si Simbegwire.
Nakikipaglaro si Simbegwire sa kanyang mga pinsan nang makita niya ang kanyang Tatay mula sa malayo. Natakot siya na baka galit ito, kaya nagtago siya sa loob ng bahay. Pero nilapitan siya ng kanyang Tatay at sinabi, “Simbegwire, nakahanap ka ng perpektong Nanay para sa sarili mo. Isang Nanay na nagmamahal at nakaiintindi sa’yo. Ipinagmamalaki kita at mahal kita.” Napagsang-ayunan nila na maaaring makitira si Simbegwire sa kanyang tiyahin hangga’t kailan niya gusto.
Araw-araw ay dumalaw ang kanyang Tatay. Dumating ang panahon na isinama rin niya si Anita. Hinawakan niya ang kamay ni Simbegwire. “Patawarin mo ako, anak, at nagkamali ako,” iyak niya. “Puwede mo ba akong bigyan ng isa pang pagkakataon?” Tumingin si Simbegwire sa kanyang Tatay at sa nag-aalalang mukha nito. Pagkatapos ay humakbang siya at dahan-dahang niyakap si Anita.
Sumunod na linggo, inanyayahan ni Anita si Simbegwire, kasama ng kanyang mga pinsan at tiyahin, sa kanilang bahay para sa isang tanghalian. Ang sarap ng handaan! Inihain ni Anita ang lahat ng paboritong pagkain ni Simbegwire, at kumain ang lahat hanggang sila’y nabusog. Naglaro ang mga bata habang nag-usap ang mga matatanda. Nakaramdam si Simbegwire ng kasiyahan at lakas ng loob. Napag-isipan niya na marahil, sa madaling panahon, ay uuwi siya para manirahan kasama ng kanyang Tatay at kanyang madrasta.